creations : Creative Works,

Sa Wakas…Panibagong Pilipinas!

Sep 22, 2016

pearl-oysters

Sa Wakas…Panibagong Pilipinas! (tula ni Janneke NEX Agustin, 2009)

Mula sa mahabang pagdurusa

Kasaysayang puno ng pighati

Tila wala nang pagasa 

ang bayang lugmok at lugami

Mga ninunong nagbuwis ng buhay

Mga bayaning di matapos ang laban

Paulit-ulit walang humpay 

Mga problema ng bayan

Ilang EDSA pa ba ang lilipas

Ilang gobyernong sakim at gahaman

Ilang taon pa tayong magtitiis

Bago magising at matauhan

Walang likas na api’t mahina

Lahat may tunay na kagalingan

Kailangan lamang itong makita

At panghawakan

Kung anuman ang nasa labas

Salamin ng nasa loob

Kung babaguhin ang Pilipinas

Simulan sa bawat Pilipino

Tanawin sa di kalayuan

Nakasilip na pagbabago

Hinihintay lang tayong kumilos

Hinihintay lang tayong magbago

Panahon na sa wakas!

Panibagong Pilipinas

Likhain mula sa sariling lakas

Ang perlas na bayan natin

Panahon na sa wakas!

Panibagong Pilipino

Marangal, malaya’t matalino

Tunay na perlas tayo, tunay na perlas tayo

Tunay na perlas tayo!!

The poem was turned into song for the NP Presidential Campaign in 2010.

Music and Sung by: Geej Langlois