creations : Creative Works,

Poetry: Para sa Bayan

Sep 20, 2016

ph-hand

PARA SA BAYAN: Mga tulang mula sa hinaing patungkol sa sarili at bayan.

Mga Sulat at Hinaing

 Masakit ang aking ulo

Gumuguhit ang kirot,

Utak ko’y nagdurugo

Isipa’y pumapalaot.

Naninikip ang aking dibdib

Kinakapos ng hangin,

Baga’y namimilipit

Kumakawala ang damdamin.

Pinupulikat ang aking kamay

Nanlalamig at naninigas,

Patuloy na nangangalay

Mga salita’y di mabakas.

Nagdurugo ang aking isipan

Sa napakaraming dapat pag-usapan,

Binabagabag ng katotohanang

Napakagulo na ng ating bayan.

 


Pag-asa at Pagbabago

Gusto kong baguhin ang mundo

Kahit ayaw ng mundong magbago

Gusto kong baguhin ang tao

Kahit matigas ang kanyang ulo

Gusto kong bigyan ng kabuluhan

Ang walang saysay na katotohanan

Gusto kong bigyan ng katotohanan

Ang kasaysayang nawalan nang kabuluhan

Gusto kong baguhin ang pulitika

Upang magkaroon ng tunay na demokrasya

Gusto kong baguhin ang demokrasya

Upang magpakatotoo ang pulitika

Gusto kong bigyan ng pag-asa

Ang bayang wala nang sigla

Gusto kong bigyang sigla

Ang bayang wala nang pag-asa

 


Kumusta

Kumusta?

Mabuti. Mabuti nga ba? Bakit ka mabuti?

Mabuting buhay, mabuting di talaga mabuti?

Kailan ba talaga mabuti ang di naman mawari kung ano talaga?

Kumusta?

Kumusta na ang Pilipinas, ang Pilipino,

Ang ako na Pilipino na narito sa Pilipinas na bayan ko?

Kung ako bilang ako sa panahong ito ay tila mabuting-mabuti

At nakatanghod sa magandang hinaharap na parating at sa aki’y magbibigay ng inspirasyon, ligaya at pagkakuntento.

Pero lagi na’y binabagabag ako ng tanong na kumusta naman ang Pilipinas, ang bayan ko, na sa ngayo’y lalong naghihirap at nangungulila sa mga anak na nangibambansa at tila nakalimot, mga taong narito nga pero parang wala dahil ni hindi alam kung paano matutulungan ang kanilang mga sarili at lalo pa ang kanilang bayan.

Kumusta?

Ang mga bayaning nagpapakamatay at nagpapakamartir?

Wala na ba talaga?

Kahit ang mga sinasabing simpleng bayani, nalunod na ba sa presyo ng gasolina at buwis, natabunan na ba ng gabundok na basura, nahilo na ba sa kung anu-anong teknolohiya at tuluyan na bang nabaog ang mga sinapupunang magluluwal sa kanila?

Kumusta na nga ba?

Kailan ba matitikman ng Pilipinas ang tunay na pagmamahal, pag-aaruga at kalinga?

Malapit na ba o suntok sa buwan ang umasa?

Kumusta? Kumusta.

Ako ay hindi pa rin naman nawawalan ng pag-asa.

Malay natin konting panahon at pagtitiis na lamang at tayo rin ay giginhawa.

Para sa ating kalikasan, sa ating kakayahan, kagalingan at lalo na sa kabataan.

Kumusta naman.

Ang aking sariling problema’y napakaliit kung titingnan ang sandamakmak na problema at hinaing ng bayan.

 


O, INANG BAYAN

O, aking Ina

Bayang kumalinga

Ano’t ikaw ay nagdurusa?

Ang iyong katawan tila nagkulay uling,

ang iyong luha’y nangingitim,

at maging iyong hininga’y abuhin;

Sa paglaon pa ng panahon,

mukha mo Ina ay tila

patuloy sa pagdusing.

O, aking Ina

Bayang kumalinga

Ano’t ika’y tumatangis?

Ang iyong mga supling ay walang makain,

natutulog nang gising,

at ang iba’y kapit na sa patalim;

Sa paglaon pa ng panahon,

puso mo’y di nila iindahin.

O, aking Ina

Bayang kumalinga

Ano’t di ka pa nagsasawa?

Ang pag-asa tila sa iyo’y di nawawala,

Ang kalinisan ng iyong mukha,

Ang kaligayahan ng iyong puso

ay patuloy mong nagugunita;

Sa hinaharap patuloy kang nananalig

at nagtitiwala…

Kaya’t sa paglaon Ina

Ako ang iyong kasama,

hindi rin magsasawang sa iyo

ay magmahal at mag-aruga;

Sa paglaon Ina

Ang pangarap na inaasam

ay ating makakamtan,

at kinabukasang walang kasingganda

ay atin ring matatamasa!